Nagtamo ng paso sa mga braso ang tatlong tanod ng barangay sa Makati City matapos sitahin ang isang tambay sa kalagitnaan ng curfew.
Dahil sa ipinapatupad na curfew ngayon sa buong bansa bilang bahagi ng enhanced community quarantine, limitado ang galaw ng publiko.
Dulot nito, may mga pasaway na residente na hindi magawang sumunod sa naturang panuntunan kung kaya nauuwi ang ilang paninita sa komprontasyon.
Ngunit matindi ang sinapit ng tatlong kawawang tanod sa Brgy. Cembo, Makati dahil sa isang tambay na sinita nila ayon sa polisiya kaugnay ng lockdown—ang curfew.
Sinabuyan kasi ng tambay ng asido ang mga nanitang tanod.
Ayon sa report ng Makati City Police, alas-11:55 ng gabi nang magpatrolya ang tatlong biktima sa barangay nang mapansin nila si Galicia, ang suspek, na pagala-gala.
Sinabihan si Galicia na umuwi na ngunit patuloy na naglakad ang suspek hanggang pigilan na nila ito.
Dito na isinaboy ng suspek ang dala niyang muriatic acid sa mga tanod. Agad namang nakaiwas ang tatlo ngunit tinamaan pa rin sila sa braso kaya nagtamo ng paso ang mga ito.
Mabilis namang nalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati sina Manuel De, Eugenio Umayam Jr., at Hepolito Espinosa Jr.
Ang 41-anyos at walang trabahong suspek na si Charles Galicia alyas `Gian’ ay kasalukuyan nang nakakulong matapos itong agad na maaresto.
Sasampahan ng mga kasong direct assault, disobedience upon persons in authority, at paglabag sa Executive Order No. 10 kaugnay ng enhanced community quarantine ang nasabing lalaki.
Love this article? Sharing is caring!

Tambay na sinita sa curfew, sinabuyan ng asido ang 3 tanod
Reviewed by The News Feeder
on
29 March
Rating:
No comments:
Share your thoughts here...