Bumalik sa alaala ng mag-asawang Henry at Nora Silvano ang nangyaring pagsabog ng Mount Pinatubo noong 1991 nang pumutok ang balita tungkol sa pagbuga ng abo ng bulkang Taal, hapon ng Linggo.
"Talagang parang ang Pinatubo ang nakikita ko doon sa Taal na 'yan," saad ni Henry.
Sabi ng mag-asawa, kasalukuyan silang nasa tuktok ng bundok sa Sitio Pinli, Barangay Santa Juliana sa Capas, Tarlac nang maganap ang pagsabog.
Isa ang bayan ng Capas sa mga malubhang naapektuhan ng pagputok ng Mount Pinatubo noon kung saan hanggang ngayon ay makikitaan pa rin ng lahar.
"Ang hirap talaga ng nangyari noon," ani Nora.
Dulot ng patuloy na paga-alburoto ng Bulkang Taal, nakaalerto ang mga lokal na disaster risk reduction management office ngayon sa buong Central Luzon.
Maging ang ibang mga taga-Pampanga ay hindi rin makalimutan ang ibinigay na tulong sa kanila noon nang maapektuhan sila ng pagsabog ng Pinatubo.
Dahil dito, nagdesisyon ang Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction Management Office umaga ng Lunes na magpadala ng volunteers para tumulong sa paglikas at mga inilikas na residente sa mga lugar malapit sa bulkang Taal.
"Remember noong tayo sa Pinatubo, 'yong mga tumulong sa atin that time. Ngayon kung sila naman ang nangangailangan, tayo naman ang tutulong," ika ni Pampanga Governor Dennis Pineda.
"Naintindihan natin kung gaano kahirap, that time noong tayo ang nangangailangan," paliwanag pa niya.
"Alam namin kung ano ang epekto nito sa kabuhayan" sabi ni Provincial Health Officer Dr. Marcelo Jaochico.
"Tutulungan natin ang probinsyang ito. Alam natin na ganito rin ang mararanasan nila kailangan silang makatayo rin gaya sa atin," dagdag pa ni Jaochico.
Magpapadala rin ng mga social worker, medical team, at rescue team bukod sa mga pagkain, hygiene kits, tents, at mga gamit sa pagsagip,
Source: ABS-CBN News
Love this article? Sharing is caring!

Mt. Pinatubo survivors, sumaklolo sa mga biktima ng Bulkang Taal
Reviewed by The News Feeder
on
14 January
Rating:
No comments:
Share your thoughts here...